Kung Bakit Nagmura Ako ng Putang Ina sa Buwan ng Wika

Gusto kong isyeyr ang nakaka-inspayr at nakaka-aliw na artikel na ito mula sa Mauban.net. Ito ay ang lektsur ni Nelson Turgo sa mga estudyante ng Manuel S. Enverga University Foundation, Inc. para sa selibreysyon ng Buwan ng Wika nuon.

Kung Bakit Nagmura Ako ng Putang Ina sa Buwan ng Wika O ang Diskurso ng Kapangyarihan/Pulitika ng Tunggalian sa Filipino Bilang Wikang Pambansa

Magandang umaga sa ating lahat. Nagpapasalamat ako sa paanyayang ipinaabot sa akin bilang tagapanayam sa programang ito. Nais kong banggitin na ang programa ay parehong nakakatuwa at nakakalungkot. Huwag kayong magugulat sa sinabi kong ito. Ako man minsa’y nagugulat din sa mga sinasabi ko. Natutuwa ako sapagkat may inilaang panahon ang pinakamalaking unibersidad sa Timog Katagalugan upang ipagdiwang ang Buwan ng Wika. Ibig sabihin, sa aking palagay, mahalaga sa inyong unibersidad ang anda (function) ng wika sa pagsusulong ng kahusayang pang-akademya. Nalulungkot ako dahil ipinagdiriwang pa natin ito. Ibig sabihin lamang, mabuway pa ang ating Pambansang Wika. Kinakailangang taon-taon, paalalahanan tayo na Filipino ang ating wikang pambansa. Sa mga bansang Hapon, Pransya, Thailand, Malaysia, Rusya at iba pa, wala silang katulad na pagdiriwang. Hindi dahil sa wala silang pagmamahal sa kanilang pambansang wika kung hindi dahil sa ganap ng pambansa ang kanilang wika kung kaya’t hindi na kinakailangan pa ang mandato ng estado upang ipagdiwang ang kayamanan at kapangyarihan ng kanilang wika. Astig na ang mga wika nila, kumbaga.

Kanina, habang sakay ako ng JAC Liner, may nakasakay akong nagtapos ng nursing sa isa sa mga paaralan dito sa Lucena. Nakapasa na raw siya sa board. Ang inaatupag niya ngayo’y pagrereview ng kanyang Ingles upang makatungo na sa Estados Unidos. Kukuha siya ng TESL at iba pang pagsusulit. Habang nagkukuwentuhan kami, panay ang kanyang Ingles. Nang dumaan ang konduktor, dahil hindi pa siya nasusuklian, bumanat siya ng: Excuse me, I have not received my change yet. Hmmm. Sabi ko, my cockney accent na ang epal. Mukhang nag-aral sa Dela Salle sa Maynila. Bumaba siya sa malapit sa Diversion samantalang ako’y tumungo ng Grand Central Terminal. Habang nagpapalipas ako ng oras sa Greenwhich at ginagawa ang papel kong ito, naisip ko, sadya nga yatang napakahalaga na ng Ingles. Kung hindi ka marunong mag-Ingles, limitado ang iyong oportunidad. Ang wika’y sandata at ang Ingles ay bazooka.

Tayo ay nasa panahon na di-maampat na globalisasyon. Sa Philcoa, lugar na sakayan patungong Unibersidad ng Pilipinas, sangkatutak ang nakabalandrang ponkan. Wala ng nagtitindang dalanghita. Nang minsang mapagawi ako sa isang bilihan ng sapatos sa Rockwell, isang upscale shopping mall sa Maynila, ang Nike at Adidas ay gawa sa China, Vietnam at Indonesia. Sa isang linang sa aming bayan, habang binabagtas namin ang daan patungong bundok, nakakita ako ng isang basyo ng mineral water, Evian ang tatak. Imported galing Pransya ang mineral water na ito. At ng minsan namang dalahin ako ng aking mga paa mulang Maharlika Hi-Way patungong SM City Lucena, ang Lander na handwash na nabili ko sa SM City North Edsa'y naroroon din. Tila nga wala ng pinipiling lugar ang globalisasyon.

Sa pambansang sandali ng ating kasaysayang ito, bakit kinakailangan pa nating palakasin ang ating pambansang wika habang nag-aaral tayo ng iba pang mga wika?

Himatong ng aking argumento na dapat tayong makialam sa pagbubuo ng pambansang identidad. Ito’y hamong kailangang tugunan nating lahat. Sa pagkatunaw ng mga muhon ng pagkakaiba bunsod ng walang humpay na Hollywoodization at McDonaldization ng ating bansa, laging angkop na pagpursigihan ang paggamit ng wikang Filipino upang itampok ang ating pambansang kaakuhan. Naririyan na ang globalisasyon. Walang makakatakas dito. Testamento nito ang SM City Lucena at ang mga shop na nasa loob nito. Pinapatay nito ang lokal na industriya. Noong maliit pa ako, ang puntahan namin ay Padillo, Ramchand, Recio, Hacienda Inn at kapag kakaiin ng siopao, ang tungo’y sa Kachina. Ngayon, iisa na ang takbo ng paa: SM City Lucena.

Noong nakaraang taon, nagpalabas ng kautusan si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na lalo pang pasiglahin ang pagtuturo ng Ingles sa mga mag-aaral sa elementarya at hayskul. Ang atin daw kasing kahusayan sa wikang ito ang ating advantahe sa iba pang mga bansa sa Asya. Ang sabi pa ng kanyang mga chuwariwap, mahalaga daw ito sa pagpapahusay ng ating ekonomiya. Ibig sabihin, sa simpleng termino, kapag napakahusay natin sa Ingles, malaki ang posibilidad, yes, citizens of Enverga Republic, believe it or not, uunlad ang ating bansa. Nang marinig ko ito, nautot ako.

Ang kahusayan sa Ingles ay hindi katapat ng kaunlaran sa ekonomiya. Hindi ko alam kung bakit sangkatutak ng datos ang lumabas ay hindi pa rin ito matanggap ng marami sa ating mga Filipino, partikular na yaong mga nasa gobyerno. Hindi ko batid kung nag-jo-joke-joke lamang sila o talagang ang mga IQ nila ay IQ ng lamok.

Walang duda na kailangan natin ang Ingles. Walang duda na mahalaga ang Ingles. Subalit, dito man ay marami nang mga maling akala tungkol sa kahalagahan ng wikang ito. Isa sa mga maling akalang ito ay ang maling paniniwalang ang Ingles ay ang susi sa kaunlarang pang-ekonomiya.

Ating tingnan halimbawa ang ilang datos ng ating kontemporanyong kasaysayan na magpapabulaan sa guni-guing ito

Nilagpasan na tayo ng Thailand, maniwala man kayo o hindi. Noong magkapalad akong mabisita ito noong 2000 bilang grantee ng Pamahalaang Hapon, kapag lalabas ako ng hotel room ko at mag-iiwan ng impormasyon sa front desk, lumalabas ang kagalingan ko sa pagdo-drawing. Hindi kasi sila mahusay mag-Ingles. Minsan sa inis ko, hindi lang ako nagdrawing upang ipaliwanag ko sa front desk na aalis ako sandali, pero babalik din at kung may dumating ay sabihing maghintay, kinulayan ko pa ang aking drawing with matching smiley. Paglumabas naman ng hotel, ang babalandra sa iyo ay mga direksyong nakasulat sa kanilang wika, sulat-bulate, sabi nga. Ang mga nakasama ko mulang Chulalongkorn University, pagnag-uusap kami, sign language. Pero, anak naman ng pating, tingnan ninyo ang kanilang ekonomiya ngayon. Kung sila ay tiger economy na, tayo, kuting pa rin. Ang isang taong bilang ng ating mga turistang bumibisita, isang buwan lang sa kanila. At Ripley’s Believe it or Not, ang Thailand ang ikalawa sa Japan sa buong Southeast at South Asia pagdating sa computer technology. Ang website halimbawa ng Chulalongkorn University, dalawa ang version: isang nasa Ingles at isang nasa kanilang wika. Sa atin, kabilang na ang UP, ang website lahat nasa Ingles.

Sa mga nakalipas na taong pilit na isinasaksak sa atin ng mga baliw nating opisyal sa pamahalaan na Ingles ang gamiting wika sapagkat ito ang magsasalba sa atin sa kahirapan, ito ang ating kinasadlakan.

Malinaw sa ating kasaysayan na ang Ingles ay hindi lamang naging paraan ng komunikasyon kundi paraan ng kolonisasyon. Ang Ingles ay hindi naging paraan para sa pag-uusap ng mga mamamayan. Naging paraan ito para sa paghahati-hati ng mga mamamayan. Ang tanging diyalogo na ginawa nito ay ang diyalogo sa pagitan ng pamahalaang kolonyal at ng lokal na naghaharing uri. Kasunod sa kaputian ng lahat, ang galing sa paggamit ng Ingles ay naging pasaporte sa sirkulo ng kapangyarihan.

Matagal ng sinasabi ng mga dalubhasa sa wika na mahalagang maituro ang mga batayang kaalaman sa matematika, agham at teknolohiya sa sariling wika, Filipino man o Cebuano. Subalit hanggang sa ngayon, iilan pa lamang ang gumagawa nito. Sa UP Integrated School halimbawa, itinuturo ang matematika, pisika, kemistri at ekonomiya sa wikang Filipino. Nang magsagawa ng pagsusulit, yaong mga nag-aaral gamit ang Filipino ay mas mataas ang nakuha kasya sa yaong ang gamit ay Ingles. Ayon din sa mga guro, biglang dumami ang tanong ng mga mag-aaral sa inertia, equilibrium at thermodynamics sapagkat mahusay nilang naipapaliwanag ang kanilang mga sarili. Sa mga klaseng ang gamit ay Ingles, boses lamang ng guro ang naririnig.

Magbanggit pa ako ng isang halimbawa. Palasak na ang usapin tungkol sa Third International Math and Science Study (TIMMS) pero gagamitin ko pa rin itong halimbawa para makita natin ang halaga ng sariling wika kaugnay ng pagtuturo ng agham at matematika.

Noong 1997, binigyan ng test sa agham at matematika ang ilang piling estudyante sa hay-iskul mula sa 71 bansa kasama ang Pilipinas. Ang resulta, sa Math, walang bansang nagsasalita ng Ingles ang napabilang sa TOP 10. Samantala sa Science, tanging ang Inglatera lamang ang pumasok at pangsampu pa. Nanguna sa eksameng ito ang mga non-English speaking na bansa katulad ng Japan, South Korea, Czech Republic, Slovakia at Bulgaria. Ang US ay pang 28 sa Math at ika-17 naman sa Science. Ang Pilipinas ay hindi umabot sa listahang inilathala. Nasa likod tayo ng South Africa, Kuwait at Colombia. Nakakaiyak Kuya Cesar.

Sa mga bansang mauunlad, kahanga-hanga ang kanilang pagmamahal sa kanilang wika. Sa Malaysia, ang mga pabatid sa trapiko ay nasa wikang Bahasa Malaysia. Sa kanilang mga bookstore, ang mga aklat ay nasa wika nila. Ang tawag sa Silicon Valley nila, Cyber Jaya at ang sentro ng kapangyarihan, Putra Jaya. Tayo, panay Ingles ang titulo, no left turn, industrial park at no swerving. Nang makabisita ako sa Alemanya at Pransya para sa kumperensya, ang mga aklat na mayroon sila ay nasa kanilang wika. Mayroon pa nga akong nakitang aklat ni F. Sionil Jose, isa mga higante ng ating panitikan, na nasa wikang Pranses. Nang dumalo ako sa magkahiwalay na panayam sa Universite de Paris-Sorbonne at College de France, nagbigay ng panayam ang pangunahing intelektwal nila na si Peirre Bourdieu sa Pranses kahit pa nga kalimitan ng nakikinig ay mga banyaga. Ang kanilang dahilan, aralin mo ang aming wika kung nais mong alamin ang nais naming sabihin. Nasa wika namin ang aming karungunan at wala sa iba. Wala man akong naitindihan kundi ang mga salitang maidemoselle, moinseur at, comment sava, naramdaman ko naman ang kanilang pagmamaghal sa wika.

Sa ating bansa, ramdam natin ang valorisasyon o sobrang pagpapahalaga wikang Inggles. Naghuhumiyaw ang katotohanang ito. Kapag magaling ka sa Ingles, matalino ka, at pag hindi, bobo. Muli, gusto kong mautot. Kapag balubaluktot ang Filipino katulad ng Filipino ni Vanessa del Bianco, cute, kapag balubaluktot ang Ingles, tumataginting na The Coconut-nut is a giant nut, BOBO. Kilitiin nyo ako, ayaw kong maiyak. Ipinaliwanag na ni Renato Constantino ang implikasyon ng ganitong kaisipan sa kanyang sanaysay na “The Miseducation of the Filipino”, subalit hanggang ngayon, hindi pa rin tayo matuto.

Kalimitan, sa mga unibersidad, second class citizen ang mga nagtuturo ng Filipino. Mas mataas ang pagkilala sa mga nagtuturo ng Ingles. Lagi’t lagi, sila ang ipinapadala sa mga kumperensya at pinapakinggan sa mga pagpupulong at pagbibigay ng desisyon. Ito ang reklamo ng mga guro sa ilang unibersidad na aking nabisita sa Visayas. Kalimitan daw, kapag Filipino ang subject, ibinibigay na lamang kahit kanino. Ang reklamo ng isa, PE ang kanyang tinapos, bigla siyang pinagturo ng Filipino. Paano nga naman siya magtuturo ng mahusay kung hindi naman niya gamay ang subject? Naranasan ko na rin ito minsan. Sa isang kumperensya, may nakalapit akong babaeng guro. Paumanhin sa mga babae pero babae talaga siya, may makapal na salamin, pinahiran ng crayola ang mukha, nakapusod na buhok at masansang na amoy ng pabango, amoy albatross. Teacher daw siya ng Ingles. And she likes daw Shakespeare ang James Joyce and all those western writers, hahahaha. Ano ba daw ang itinuturo ko at sino ang favorite writer ko, sabi ko Flipino. Namilog ang kanyang mga mata, humikab, tinanggal ang salamin at nagwikang: Oh really, so you teach sugnay, pang-uri, pangdiwa, at Balarila ni Lope K. Santos, hahahahaha. Ano ba daw ang Filipino sa French fries, piniritong Pranses, Hahahaha. Kung may hawak akong bomba atomika, ginawa ko ng Nagasaki at Hiroshima ang bunganga niya. Pero dahil gumagalang ako sa matatanda partikular na yaong mga amoy lupa, ngumiti ako. Ang sabi ko, walang literal na translation kasi wala naman sa ating kultura ang pagpipirito ng patatas. Eh di gamitin ang French Fries, sabi ko. Bilang pagresbak, sinabi ko naman na itranslate niya sa Ingles ang bikang-bikang, minukmok at sinaludsod. Bigla siyang natahimik. Ako naman ang nagtawa. Hahahahaha. Maya-maya, tinawag na ako para sa pagbasa ng aking papel. Ang papel ko’y ukol sa problematisasyon ng espasyo bilang larang ng pulitika gamit ang dalumat sa lunan ni Henri Lefebvre isang teorisistang Franses. Nang matapos na akong magbasa, muli akong nilapitan ni Miss Tapia. Nakangiting-nakangiti siya. Ang ganda-ganda raw ng papel ko. Hindi niya naintindihan. Malalim daw kasi ang Filipino ko. Ngayon, hindi na ako mabait, gusto ko na siyang ilibing ng buhay. Ang sagot ko sa kanya. “Hindi po malalim ang aking Filipino. Mababaw lang talaga kayo.”

Ito ang kasawian ng ating bansa. Hanggang ngayon, ang tingin sa Filipino’y wika ng mga katulong, pahinante sa dyip, kargador sa pier, maglalako ng pansit at taho. Hindi maisip ng mga Ingleserang Frankenstein at Dona Victorina na maaari ng gamitin ang Filipino sa mga diskurso at larang nga teorisasyon katulad ng hermenyutika, semiotika, post-istrukturalismo, post-kolonyalismo, konseptong habitus ni Pierre Boudieu, panopticon ni Michel Foucault at gahum/hegemonya ni Antonio Gramsci. Kawawa naman ang mga taong ito. Gusto kong maiyak para sa kanila.

Subalit hindi ko sinasabi na kalimutan na natin ang Ingles. Mali kasi ang pag-iisip ng marami na sa pagpapalakas ng Pambansang Wika, pinapahina ang Ingles. Tumataginting itong kauluan at kabobohan na walang kapantay. Dagdagan ko pa, super duper mega katangahan. Ayon nga kay F. Sionil Jose, wala ng makakapigil sa pagtatampok sa Filipino bilang pambansang wika. Laganap na ito sa media. Paano ba nakilala ng mga taga Visayas at Mindanao sina Dao Ming Zhi, San Chai, Marinara at Mulawin? Sa telebisyon at ano ang gamit na wika? Filipino.

Ito ang hamon sa ating lahat, ang pagtatampok sa wikang Filipino bilang pambansang wika sa lahat ng aspeto ng buhay, mulang akademya hanggang bahay. Sa panahon ng rumaragasang globalisasyon at homogenisasyon ng mga kultura, tanging Filipino ang ating pag-asa. Kaya naman, kapag ako’y nagagalit, hindi ako sumisigaw ng Fuck You, Putang Ina ang sinasabi ko.

Hindi po ako nagmumura. Fish Tayo. Maraming salamat.

Mula sa http://www.mauban.net/news/archives/000061.htm





22 Responses to “Kung Bakit Nagmura Ako ng Putang Ina sa Buwan ng Wika”

  1. margarette ann says:

    yan ang nagpapahirap sa aming mga estudyante, ang pagpapahyag gamit ang ingles sa halip na filipino o cebuano.

  2. Kim says:

    Maganda. Naa-angkop talaga para sa makabagong henerasyon.

  3. zanneth says:

    medyo mahaba ang ngunit taglay nito ang pampapkaw ng dadamin ng mga pilipino.. bilib ako sa nais niyang iparating.. hangad ko sana’y marami pa ang makakabasa nito at maisip na ang wika natin ay di lamang wika na ginagamit ng mga taong walang narating sa buhay, kundi wika na dapat ipagbunyi sa buong mundo at wika na di lamang pinapahalagahan sa pamamagitan ng pagdiwang ng buwan ng wika kundi sa pang araw-araw ,habang tayo ay buhay bilang isang pilipino.

  4. joshua says:

    hmm? bakit kaya pinahanap xa amin ang article na ito???

  5. joshua says:

    hmm? bakit kaya pinahanap xa amin ang article na ito???/

  6. jessa barquio sumagaysay says:

    woooh.. simula ngayon di na ako magpapaka BOBO!!! ibig kung sabihin di ko na ipapatung ang librong ingles sa aking ulo at bumbunan!!!! hahahahahhah.. akala ko bastos na link ngunit.masaya ako kasi may limang gantimpala akong natanggap bilang isang huwarang mag-aaral ng Filipino. sa katunayan ito ay napaka mahalagng ideyang naisip para sa mga etudyanteng gaya ko.. salamat!!!

  7. iaNesSa23 says:

    haip..!
    ang ganda..mahaba..
    pero makabayan talaga na estorya…
    grabeh ,,
    communication skills for filipino??
    astig..
    naka relate talga ako lalo na minsan gumagamit ako ng mga salitang hindi local o hindi galing sa bansang pilipinas..
    i usually speak english talaga minsan
    or mix..taglish para mas maintindihan ng kausap ko..
    hehhe..
    pero thumbs-up talaga ako..!!
    ngayun,,
    “”POTANG INA.!””
    an sasabihin ko instead of
    FUCK YOU..

    go pinoy.!

  8. daywalkr says:

    ang haba!!!!!!!!!!!!

    di ko nalang tinapos ang pagbasa…..

    sinabihan kami ng guro sa filipino namin ng hanapin ang artikolong ito…..

    wew….ewan ko lang kung san to nabasa ng guro namin,pero maganda ang artikolong ito ha….

  9. daywalkr says:

    ang haba!!!!!!!!!!!!

    di ko nalang tinapos ang pagbasa…..

    sinabihan kami ng guro sa filipino namin ng hanapin ang artikolong ito…..

    wew….ewan ko lang kung san to nabasa ng guro namin,pero maganda ang artikolong ito ha…

  10. ben_ei says:

    salamat po sa pagbabahagi. masasabi ko pong hindi ko forte ang Filipino. sa katunayan, English ang paborito kong asignatura. gayunpaman, hindi ko maaalis na isa akong Pilipino at tungkulin kong alamin ang aking wika. marami po akong natutunan.
    (di ko po mapigilang tumawa lalo na kay Miss Tapia)
    =p

  11. sa tingin ko ang solusyon dyan ay matulog….. hehehehe char!. Hindi, sa totoo lang. kaya gusto nilang magsalita ng english dahil, gusto nilang matutu para maka pag abroad para kumita ng pera dahil sa hirap ng buhay ngayon hindi kana pwede tumunganga lang dyan sa tabi at maghihintay na lang ng grasya. mag praktikal ka girl. :)

  12. jenjen says:

    puta ang tatanga neo!.,

  13. christian says:

    @david
    sigi ingat

  14. christian says:

    wag u na gagawin uli ung pagmumura
    haaaaaaaaaaaaaaaaa::::::::::
    kasi masama po un!!!!!!!!!!!

  15. wilbert says:

    tnx sa pagshare ng exp.mo…

  16. .,,nOh b yAn lAh kWeNta..,,

    tNx n lNg s eFfoRt mOh…

    piZZzzz

  17. david says:

    excuse me, john joel…………..
    WIKANG FILIPINO HO
    hindi Tagalog…………….:)

  18. John Joel says:

    kaya tayo top 1 na masasaya sa buong bansa kasi dahil sa mga kabalastugan na nag papasaya sa atin; kung maraming kabalastugan mas masaya!

  19. John Joel says:

    malaking problema lang sa Pilipinas di natin kayang pagsabayin ang wikang tagalog at ingles kasi kung pag-aaralan mo lang mabuti at maayos, pwede tayong maging magaling sa wikang tagalog at patinarin sa Ingles kailangan lang natin mag-aral ng mabuti at bawasan ang pag lalagay sa utak ng kung anu-anong kabalastugan, katangahan, katamaran, at kung anu-ano pang ewan sa utak.

  20. faceless says:

    ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ? ?

  21. Pasensya na, my bandwidth limit has exceeded.

Leave a Reply

*